Nuffnang

Wednesday, September 19, 2012

Ang Tunay na Kahulugan ng Suwerte

Tayong mga Pinoy ay may malaking paniniwala sa salitang “suwerte.” Madalas nating inaasahan ang suwerte na dumating sa ating buhay upang makaramdam ng kaginhawahan sa mga problemang pinansyal na ating pinagdaraanan. Binabanggit natin ang mga salitang, “Suwertihan lang yan,” “Sana suwertihin ako,” “Mayaman sila sinuwerte kasi sila,” at ang pinakamali sa lahat, “Pagdating ng panahon susuwertihin ako at yayaman.” Ang ating pag-iisip ay madalas na nakatuon sa iisang salitang ito. Ito halos ang ginagawa nating batayan sa pag-asenso sa buhay. Matiyaga nating hinihintay at inaabangan ang pagdating ng mailap na suwerte sa ating mga buhay, nananalangin at nagsusumamo na mabiyayaan tayo ng kahit kaunting suwerte upang umunlad.

Karamihan sa atin ay hindi alam ang tunay na epekto ng pagbibigay ng matinding konsentrasyon sa suwerte. Ang lubos na paniniwala sa suwerte ay nagbibigay sa atin ng maling gabay at nagliliko sa ating landas patungo sa tunay na daan sa pagyaman. Ang karamihan sa halip na magsikap sa trabaho upang makaipon at maisaayos ang kanilang personal na pananalapi, ay pinansusugal ang kanilang kinabukasan sa Casino, sa Lotto, at sa iba’t ibang klase ng sugal sa paghahangad na makakuha ng suwerte. Kung iaasa mo lamang sa paghihintay sa suwerte ang iyong tagumpay sa pera, kailan man ay hindi mo matatamasa ang yaman na ninanais mo. Ang iyong maling pakahulugan sa salitang suwerte ay nagdudulot sa iyo ng matinding kahirapan ng hindi mo namamalayan.

Upang magtagumpay, lalo na sa pera kailangan mong malaman ang tunay na kahulugan ng suwerte at kung paano ito nabubuo. Kapag naintindihan mo na ang tunay na kahulugan nito maitutuwid mo ang iyong mga maling paniniwala at mabibigyan ka ng bagong direksyon sa buhay. Ang mga sumusunod kapag iyong naintindihan ng mabuti at isinapuso ay magbibigay sa iyo ng kakaibang pag-gising at magmumulat sa iyo sa reyalidad at katotohanan ng buhay. “Ang suwerte ay nabubuo kapag ang oportunidad at kahandaan ay nagkita.” Ang ibig sabihin nito, kapag may dumating na oportunidad sa iyo at ikaw ay handa na tanggapin ito, ikaw ay may suwerte. Sa kabilang banda, kapag may dumating na oportunidad sa iyo at ikaw ay hindi handang tanggapin ito, ikaw ay walang suwerte, dahil hindi mo napagkita ang dalawa. Halimbawa, may naisip ka na isang ideya sa negosyo at sa iyong palagay ay kikita ka ng malaki dito. Ito ay iyong pinagipunan, pinagisipan ng mabuti at pinag-aralan. At nang ikaw ay handa na ito ay iyong sinimulan. Sa ganitong pagkakataon ikaw ay magiging matagumpay dahil napagkita mo ang oportunidad sa negosyo at ang iyong kahandaan sa pera. Ikaw ang gumagawa ng sarili mong suwerte, hindi ito hinihintay, inaabangan o pinapanalangin. Ito ay nalilikha sa iyong sariling paraan. Ang iyong suwerte ay palagiang mapapasaiyo sa pamamagitan ng pagiging palaging handa sa pagtanggap ng oportunidad sa iyong paligid. Ang oportunidad ay nasa iyong buhay, nasa ibang tao, nasa ibang bagay, nasa iyong pagsisikap, nasa iyong pag-iisip, kahit saan ito ay iyong matatagpuan.

Ang mga oportunidad sa buhay ay dumarami habang sila ay kinukuha; at sila ay namamatay kapag sila ay pinapabayaan. Ihanda mo ang iyong sarili sa pagkuha ng mga oportunidad at iyong matatamasa ang kaginhawahan sa buhay. Pagsikapan na maisaayos ang iyong personal na pananalapi. Mag-impok ng sapat para sa mga hindi inaasahang pangyayari o “emergency.” Bayaran ang lahat ng mga utang. Mag-ipon ng sapat para sa pagnenegosyo o pamumuhunan sa mga investments na ligtas at sigurado. At regular na magtabi ng pera para sa iyong marangal na pagreretiro. Ito ang mga hakbang na dapat mong pagsikapang mapagtagumpayan upang lubos na maging handa at makuha ang lahat ng mga oportunidad sa buhay. Ang kahandaan sa buhay at sa pananalapi kasabay ng pagkuha ng mga oportunidad ang gagabay sa iyo patungo sa isang masaganang buhay at mapayapang pag-iisip.

Kagaya ng sabi ko, tayo ang gumagawa ng sarili nating suwerte, ang kailangan lang natin ay ang tamang kapaliwanagan at kaalaman sa tunay na kahulugan nito upang magtagumpay sa buhay. Sa pagkakaroon ng karunungan sa mga bagay na magbibigay sa iyo ng tagumpay at pagkakaroon ng matibay na pananalig kay Jesus at sa ating Diyos Ama, ikaw ay mabibiyayaan ng walang hangang yaman dito sa lupa at sa langit. Ang sabi sa Bibliya, Ang takot sa Panginoon ay pasimula ng kaalaman: nguni't ang mangmang ay humahamak sa karunungan at turo.” - Proverbs 1:7

Friday, September 14, 2012

Wastong Paraan sa Pagtatayo ng Matagumpay na Negosyo

Marami akong kakilala ang naghangad na makapagtatag ng isang matagumpay na negosyo ngunit nabigo dahil sa hindi wastong panimula, kawalan ng kaalaman sa negosyong pinasok, at pagwawalang bahala o hindi pagbibigay ng sapat na pansin sa mga pinaka-importanteng aspeto ng pagnenegosyo at pamumuhunan. Sa artikulong ito, ibabahagi ko sa iyo ang aking karanasan at kaalaman sa tamang paraan sa pagsisimula, paghawak at pagpapalago ng isang negosyo.

Tayo, bilang mga tao ay natural na negosyante. Gustuhin man natin o hindi, tayo ay tagapagbenta ng mga bagay na may kinalaman sa ating pang-araw araw na buhay. Binebentahan natin ang sino mang tao na nakakasalamuha natin. Kapag ikaw ay nanliligaw, binebenta mo ang iyong sarili sa nililigawan upang mapasagot siya. Kapag ikaw ay may interview sa trabaho, binebenta mo ang iyong kakayahan at propesyonal na karanasan upang matanggap ka sa trabahong inaaplayan. Alam man natin o hindi, tayo ay mga negosyante na may kanya kanyang paraan sa pagbebenta ng mga bagay na mahalaga sa atin at sa ibang tao.

Ngayong alam mo na na ikaw ay isang natural na negosyante, ang kailangan mo nalang ngayon ay mapag-aralan at matutunan kung papaano mo magagamit ng epektibo ang iyong natural na kakayahan sa pagnenegosyo. Ang pinakaunang hakbang sa pagnenegosyo ay ang pagbibigay sa iyong sarili ng matibay na pundasyon sa pananalapi. Huwag kang pumasok sa ano mang negosyo ng hindi ka handa sa pananalapi. Kung wala pa sa ayos ang iyong personal na pananalapi simulan mo na itong ayusin sa pamamagitan ng pagsunod sa mga gabay at payo na nababanggit patungkol sa matalino at wastong paghawak ng pera sa blog na ito. Ang numero unong dahilan ng pagbagsak ng isang negosyo ay ang kawalan nito ng kapital. Bago mo simulan ang iyong negosyo, siguraduhin mo na may sapat kang pera na nakatabi upang magamit bilang reserba. Ang ulirang halaga ng iyong reserba ay anim hanggang isang taong panggastos o pangtustos sa mga gastusin ng iyong negosyo.

Pagkatapos mong maglatag ng pinansiyal na pundasyon para sa iyong negosyo. Gawin mong produktibo ang iyong sarili sa pag-iisip ng mga ideya at mga bagay o serbisyo na maaari mong ibenta sa iba. Tandaan, ang isang matagumpay na negosyo ay nagbibigay ng mga bagay at serbisyo na kailangang kailangan ng iba. Halimbawa; pagkain, tubig, damit, sapatos, gamot, transportasyon, kalusugan, utilities, at mga esensyal na bagay na kailangan ng ibang tao upang mabuhay. Maaari mo ring pag-isipan ang mga bagay na gusto ng iba ngunit ito dapat ay may kaukulang halaga o “value” at kagigiliwan ng marami.

Kapag may naisip kanang ideya o bagay at serbisyo na maaari mong ibahagi sa iba at sa iyong tingin ito ay papatok sa karamihan at sa merkado. Isulat mo ang ideyang ito sa isang papel upang hindi mo ito makalimutan. Minsan sa dami ng mga ideyang pumapasok sa ating isip nababaon ang mga dakilang ideya na makakapagpabago ng ating buhay. Pagtuunan mo ng malalim na pansin ang naiisip mong ito at pag-aralan mo ang ano mang bagay na nauukol sa ideyang ito.

Ang matagumpay na pagnenegosyo ay nakasalalay sa masinsinang pag-aaral at paghahanda. Hindi ka magtatagumpay sa negosyo kung ikaw ay nagkukulang sa mga mahahalagang aspetong ito. Ang kaalaman sa negosyong pinapasok mo ang magbibigay sa iyo ng talino sa tamang pagdedesisyon sa mga importanteng bagay na may kinalaman sa pagpapatakbo ng iyong negosyo. Ang kahandaan ang magbibigay sa iyo ng kaunlaran sa pagpaplano sa magiging hinaharap ng iyong negosyo. Kaya naman ang dalawang aspetong ito ng pagnenegosyo ay dapat bigyan ng importansya at pagtuunan ng pansin bago magsimula sa ano mang negosyo.

Pagkatapos ng iyong pagsasaliksik at paghahanda kasama ng iyong matibay na pundasyon sa pananalapi at pagkakaroon ng magandang ideya sa negosyo. Dito ka pa lamang magiging handa sa pagbubukas ng iyong pinto sa napakalaking oportunidad na makapagsilbi sa ibang tao at mabayaran sa ano mang bagay na makakatulong sa kanila. Ngunit, ito pa lamang ay simula ng napakahirap ngunit napakarewarding na karera sa pagnenegosyo. Marami kang isasakripisyo. Ang iyong oras, pamilya, at minsan ang iyong buhay upang mapagtagumpayan ang iyong karera sa negosyo. Ngunit kung ikaw ay magtatagumpay sa larangang ito, ikaw ay mabibigyan ng napakalaking yaman na kahit sa panaginip ay hindi mo napapanaginipan.

Habang ikaw ay nasa larangan ng pagnenegosyo manatiling kaaya-aya sa iba. Maging palangiti at maging makatao. Suyuin mo ng husto ang lahat ng tao na makakasalamuha mo. Tandaan, ang lahat ng taong makakasalamuha mo sa araw-araw ay iyong mga “customers” na magbibigay tagumpay sa iyong negosyo at sa iyong buhay. Pahalagahan mo sila. Serbisyuhan mo sila ng may buong puso at katapatan. Sa kanila manggagaling ang yaman na iyong inaasam. Nakasalalay ang tagumpay ng iyong negosyo sa tamang pagtrato at pagbibigay ng magandang ugali sa iyong “customers.”

Habang ikaw ay patuloy na nagtatrabaho upang makapagtatag ng isang matagumpay na negosyo, huwag mong kalimutan ang iyong Amang Diyos na nagbibigay sa iyo ng talino, lakas at puso upang magtagumpay. Siya lamang ang makapagbibigay sa iyo ng tagumpay. Tumawag ka sa kanya at manalangin sa araw-araw. Humingi ka ng gabay at ipanalangin mo ang iyong tagumpay sa iyong negosyo. Ang sabi niya sa atin sa pamamagitan ng kanyang banal na sulat “Maaari mong hilingin sa akin ang ano mang bagay sa aking ngalan, at ito ay aking gagawin.” (John 14:14)

Wednesday, August 29, 2012

Ang Pagtatagumpay ng Pinoy sa Buhay

Habang ako ay nagbabasa ng mga artikulo patungkol sa pera sa internet, nabasa ko ang isang pahayag ng isang OFW sa Gitnang Silangan. Ikinuwento niya ang paghihirap, pasakit, at pagtitiis ng mga kababayan nating Pilipino sa ibang bansa habang ang kani-kanilang pamilya ay masaya at masaganang namumuhay sa Pilipinas. Sa pagpapatuloy ng kanyang kwento, ikinumpara niya ang mga buhay ng mga kababayan nating OFWs sa mga buhay ng mga naiwang pamilya sa Pilipinas. Sabi niya, habang siya ay nagpapakahirap magtrabaho at hindi kumakain ng sapat, ang pamilya niya ay nagpapakasasa, nabibili ang anumang gustihin at hindi man lang inaalala ang kanyang kalunos-lunos na sitwasyon sa ibang bansa. Halos lahat ng kanyang kinikita sa pagtatrabaho ay ipinapadala niya sa kanyang pamilya sa Pilipinas, at kung minsan ay wala ng natitira para sa kanyang pansariling gastusin.

Ang katayuan sa buhay ng ating mga modernong bayani sa ibang bansa ay sadyang mahirap. Lahat ng pagtitiis ay kanilang ginagawa may maipadala lamang sa pamilya. Sila ay sagad sa pagtatrabaho. Hindi inaalintana ang lungkot at pangungulila sa pamilya. Lahat sila ay may iisang layunin, ang maiangat ang pamilya sa kahirapan at mabigyan sila ng magandang buhay. Ako ay saludo sa kanilang kasipagan at pagbibigay sakripisyo. Sila ay isa sa aking mga inspirasyon sa pagsulat sa blog na ito. Nais kong ibahagi sa kanila ang aking kaalaman sa tamang paghawak ng pera, para narin sa kanilang tagumpay.

Ayon sa artikulo na galing sa New York Times, ang mga kababayan nating Pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa ay may malaking kontribusyon sa patuloy na paglago ng ekonomiya ng Pilipinas. Ang perang kanilang ipinapadala sa Pilipinas ay sampung porsyento ng kabuuang GDP ng ating bansa. Ang GDP ang nagsisilbing batayan sa pagsukat ng pagunlad ng isang bansa. Malinaw na ang ating mga kababayang OFWs ang isa sa mga dahilan sa patuloy na pag-unlad o pagyaman ng Pilipinas, kaya naman sila ay tinatawag natin ngayong “Bagong Bayani.”

Kung ako ang tatanungin, tama nga ba ang ipadala halos lahat ng kinikita sa pamilya sa Pilipinas? Ito ay tama para sa ating mga Pilipino dahil tayo ay may sensitibong damdamin pagdating sa pamilya. Hindi tayo gumagamit ng “common sense,” ang ginagamit natin ay ang ating emosyon. Iniisip natin na kailangan tayo ng ating pamilya at nararapat lamang na magsakripisyo para sa pagkakaroon nila ng magandang buhay. Ngunit kung ito ay iyong pag-aaralan ng mabuti ng may lohika, ito ay hindi tama sa matematekang paraan. Tama lamang na ibahagi ang iyong kinikita sa iyong pamilya, pero hindi halos lahat. Papaano ka yayaman kung halos lahat ng iyong kinikita ay ipinapadala mo sa iyong pamilya? Papano ka mabubuhay ng marangal, habang ikaw ay nasa ibang bansa kung ang sarili mong gastusin ay hindi mo maibigay sa iyong sarili?

Padalhan mo ang iyong pamilya ng hindi hihigit sa kanilang mga pang araw-araw na pangangailangan. Ayon sa kasabihan “Bigyan mo ng isda ang isang tao at siya ay kakain. Turuan mo siyang mangisda at siya ay may makakain habang buhay.” Sanayin mong hindi regular na suportahan ng pinansiyal ang iyong pamilya sa Pilipinas. Bigyan mo sila ng kakayahan na suportahan ang kanilang sarili upang maging malaya ka sa napakalaki at napakahirap na obligasyong ito. Mag-ipon ka ng agresibo ng may buong bilis.
Mag-impok ka ng mag-impok hanggang sa marating mo ang punto na ikaw ay may kakayahan ng magsarili at kumawala sa iyong trabaho at makabalik sa Pilipinas upang magtatag ng iyong sariling trabaho o negosyo. Kung ikaw ay nagtitiis sa ibang bansa, nararapat lamang na sila ay magtiis din habang inaayos mo ang iyong buhay at ang iyong pananalapi. Kapag ikaw ay mayroon ng malaking kakayahang pinansiyal, lalawak ang iyong kapabilidad na tulungan ang iyong pamilya pagdating sa pera, at mapapabilis ang pagbibigay mo sa kanila ng magandang buhay. Sapagkat kung ikaw ay matagumpay sa pera, sila rin ay magtatagumpay.

Nasabi ko na malaki ang kontribusyon ng mga kababayan nating OFWs sa ekonomiya ng Pilipinas. Kung ikaw ay magtatanong, kung gagawin mo ang aking sinasabi, hindi ba iyon kabaligtaran ng pagtulong sa ating bansa? “Kung kokonti lang ang ipapadala ko sa Pilipinas, hihina ang ekonomiya at lalong maghihirap ang ating bansa.” Kung iyong gagawin ang aking minumungkahi, lalong lalago ang ating ekonomiya, lalong tataas ang antas ng pamumuhay sa Pilipinas. Hindi ba mas maganda, imbes na magpadala ka ng pera, ay umuwi ka ng may malaking pera na maaari mong ipuhunan sa negosyo sa sariling ekonomiya ng ating bansa? Kung marami sa ating mga kababayang OFWs ang gagawa nito, dadami ang mga negosyo, marami ang magkakatrabaho, at sisigla ang pangkalahatang ekonomiya ng ating bansa. Mas malaki ang maitutulong mo kung ikaw ay babalik sa Pilipinas ng matagumpay sa pera.

Bilhin mo ang ideyang ito. Pag-isipan mo ng mabuti, kurutin mo ang iyong imahinasyon. Talasan mo ang iyong lohika. Ito ang gusto ng ating Amang Diyos para sa iyo. Gusto ka niyang magtagumpay. Hinahanda ka niya sa isang matagumpay na buhay. Ikaw ay nilikha upang magtagumpay; ikaw ay may kakayahan na umakyat sa rurok ng tagumpay. At ikaw, mahal kong bayani, ay natatangi at kakaiba sa lahat. Ikaw ay may pagsisikap, pagtitiis, at pag-uugali upang matamasa ang isang napakagandang buhay.

Thursday, August 23, 2012

Mga Pag-uugali ng Isang Mayaman

Sa patuloy na pag-aaral ng mga eksperto at ng mga indibiduwal na may malawak na kaalaman sa pananalaping personal, sila ay may natuklasang pag-uugali ng mga mayayaman na naghihiwalay sa kanila sa mga karaniwang tao at nagbibigay sa kanila ng kalamangan sa buhay. Ang mga eksperto ay sumasangayon sa isa’t isa na ang pagkakaroon ng ugali kagaya ng isang mayamang tao ay magbibigay sa iyo ng malaking tiyansa na maging isa rin mayaman. 

Bago ako magpatuloy, nais kong ipabatid sa iyo na lahat ng mga bagay na nababanggit sa blog na ito ay batay sa mga aktuwal na pag-aaral at sa aking personal na karanasan. Bago ko isulat at ilagay sa blog na ito ang mga kaalamang ito, ako ay personal na nananaliksik, nag-aaral, at komukunsulta sa bibliya upang mapatunayan ang kredibilidad ng impormasyon na aking ibinabahagi sa iyo. Ang isa sa aking mga misyon sa pagsulat sa blog na ito ay ang mabigyan ka ng karunungan sa paghawak ng iyong salapi at maibahagi sa iyo ang aking kaalaman sa paglinang ng sarili upang maging mayaman at matagumpay sa buhay. 

Sabi ng isang sikat na speaker, “Ang importanteng aspeto ng ating buhay ay hindi ang mga bagay na nangyayari sa atin, kung hindi ang ating pag-uugali sa pagharap sa mga nangyayari sa atin.” Ang isang mayamang tao ay may positibong pananaw sa pagharap sa mga sitwasyon sa kanyang buhay, mahirap man o madali. Siya ay hindi madaling sumuko, wala siyang panghihina ng loob. Isa siyang determinadong tao na may pokus sa pagharap sa ano mang situwasyon na ibato sa kanya ng buhay. Hindi siya takot magkamali. Natututo siya sa kanyang mga pagkakamali, at siya ay may pananalig sa kanyang hinaharap. At higit sa lahat, patuloy siyang nananaliksik at nag-aaral sa mga bagay na magbibigay sa kaniya ng karungan, motibasyon, at tagumpay sa buhay. Ang mga pag-uugaling ito ang nagdala sa kanya sa tagumpay at nagdulot sa kanya ng yaman. 

Kagaya ng aking nabanggit na napatunayan ng mga eksperto sa paksang ito kung iyong gagayahin ang mga pag-uugali ng isang mayamang tao ikaw ay may malaking tiyansa na maging mayaman. Isa puso mo ang mga pag-uugaling nabanggit, tandaan mo ang mga ito at gamitin mo ang mga ito bilang gabay sa iyong pag-unlad sa buhay. Tayong mga Pilipino ay may ekspertong pag-uugali sa panggagaya ng iba. Ginagaya natin ang mga artista na napapanood natin sa telebisyon, at mga tao na may malaking impluwensiya sa ating buhay. Imbes na gayahin ang mga sikat na tao, bakit hindi mo ibaling ang likas na pag-uugaling ito sa pag-gaya sa isang mayamang tao. Gayahin mo ang mga ginagawa niya, gayahin mo ang pag-uugali niya at makikita mo ang iyong sarili na isa naring mayaman. 


Friday, July 13, 2012

Ang Istorya ni Lola Sita

Noong panahon ng mga hapon, ang buhay ng mga Pilipino ay sadyang mahirap at delikado. Ang kagutuman ay laganap, at ang malawakang pagpatay sa mga inusenteng sibilyan ay sistemadong isinagawa ng mga mananakop. Sa panahong ito, si Lola Sita ay nagsisimula pa lamang mamulat sa mga kaganapan sa mundo. Siya noon ay labing limang taong gulang pa lamang. Kahit na siya ay bata, naiintindihan na niya ang sitwasyon ng mga panahong iyon.

Dahil walang makain, at kapos sa mga pangangailangan, pinagsikapan ni Lola Sita ang maghanap ng mapapagkakitaan. Hindi niya inalintana ang panganib ng giyera, siya ay nagpatuloy at hindi sumuko. Sa kaniyang isip, kung papanghinaan siya ng loob, patuloy lamang na maghihirap, at magugutom ang kaniyang pamilya. Kagaya ng isang ibon na nasa hawla, si Lola Sita ay may determinasyon na makawala sa kanilang kalunus-lunos na sitwasyon.

Sa kaniyang paghahanap, sa tulong narin ng puspusang pagdarasal, at masidhing pagnanais na makapaghanapbuhay, napansin niya ang isang karatula na nakadikit sa bintana ng isang tindahan ng karne na nagsasabi na sila ay nangangailangan ng katulong sa pagtitinda. Dali-dali niyang pinasok ang tindahan, at nakipag-usap sa may-ari. Nakita agad ng may-ari ng tindahan ang determinasyon ni Lola Sita na makapagtrabaho. Agad naman rin nitong tinanggap at pinagsimula sa pagtatrabaho ang batang Lola Sita.

Habang nagtatrabaho, ang ngiti ni Lola Sita ay hindi matanggal sa kaniyang masayang mukha. Nagsikap siya, at nagtrabaho ng mabuti. Sa araw-araw na pumapasok siya sa trabaho, ang kasiglahan niya ay hindi nawawala, binabati niya ang lahat ng makasalubong niya. Wala siyang hinihindiang gawain. Pinakita niya sa lahat ang kaniyang pasasalamat sa pagkakaroon ng trabaho. Ang kaniyang kasipagan ay madalas na napapansin sa mga katabing tindahan. Isang araw, nilapitan siya ng isa sa mga may-ari ng katabing tindahan. Kinausap siya nito at sinabi “Ineng, napansin ko ang iyong kasipagan, gusto ko lang sabihin sa iyo na kung isang araw hindi ka bigyan ng umento sa sweldo ng amo mo, lumapit kalang sa akin at dadagdagan ko ang iyong sahod.”

Ang ugaling napuna ng mga tindera ng karne kay Lola Sita sa mga panahong iyon ay dinala niya hanggang sa kaniyang pagtanda. Ito ay kaniyang ginamit, at nilinang upang magtagumpay sa buhay. Ang ugaling ito rin ang nagdala sa kaniya sa tugatog ng tagumpay, hindi lamang sa pera, pati narin sa pagkakaroon ng respeto ng mga tao sa kaniya. Ang pagsasabuhay ni Lola Sita sa ugaling natutunan niya sa kaniyang kabataan ay may malaking kontribusyon sa pagtatagumpay niya sa pera, at sa buhay.

Katulad ni Lola Sita, tayo rin ay may kakayahang magtagumpay. Tayo ay may kanya kanyang katangian na maaaring linangin upang magtagumpay sa buhay. Madalas, kung sino pa ang may trabaho siya pa ang maraming reklamo. Magsilbi sanang isang ehersisyo sa paglinang ng iyong pag-uugali sa maraming aspeto ng iyong pagtatrabaho ang istorya ni Lola Sita. Ang madalas na pasasalamat sa mga biyayang naibibigay sa iyo ng iyong trabaho ang magbibigay sa iyo ng katiwasayan sa pag-iisip.  Kaibigan, nais kong sabihin sa iyo, sa pamamagitan ng kwento ni Lola Sita, na hindi balakid ang hirap ng buhay upang magtagumpay. Kung iyo lamang pagsisikapan na makamit ang iyong minimithing pangarap, ito ay hindi imposible. Ilagay mo sa iyong pag-iisip na kung iyong gugustuhin, kailangan mo itong pagnasahan, kung ito ay iyong ninanasa, ito ay mapapasaiyo.

Thursday, June 14, 2012

Pag-unlad sa Buhay, Galing sa Iyo at sa Iyong Ama

Sabi nila, sa Pilipinas, kahit saan ka tumingin, makikita mo ang mukha ng kahirapan. Meron pa bang makakapagsabi sa iyo ngayon na magaan ang buhay sa Pilipinas? Madalas nating sinisisi ang ating gubyerno sa kasalukuyang katayuan natin sa buhay. Bakit hindi diba? Meron silang sinumpaang tungkulin at obligasyon na tayo ay gabayan at bigyan ng sapat na oportunidad upang umunlad. Dahil sa kawalan ng oportunidad sa ating sariling bansa, napipilitan ang iba sa atin na mangibangbansa upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang sarili at ang pamilya. Ngunit para sa akin, ang ganitong kaisipan ay hindi makakabuti sa iyo, ito ay nakakadagdag sa paunti-unting pagkasira ng iyong mga pangarap sa buhay. Muli, ang pagiisip ng pagiging talunan ay hindi maganda para sa iyong pag-unlad. Hindi ka isang biktima. Ikaw ang gumagawa ng sarili mong kapalaran. Huwag iasa sa gubyerno o sa iba ang iyong pag-unlad. Naniniwala ako sa iyong abilidad, at ang Panginoon ay palaging nasa tabi mo upang gabayan ka sa iyong buhay.

Ang Pinoy ay may mga natural na katangian na maipagmamalaki sa sarili at sa iba na siya rin namang maaring gamitin upang paunlarin ang sarili. Tayo ay nahubog sa isang lipunan na salat sa karangyaan at magagandang bagay. Ang karanasan natin sa buhay sa Pilipinas ang nagbigay sa atin ng ating mga kakaibang katangian. Katulad nalang ng pagiging matiisin. Nagtitiis tayo sa isang mahirap na sitwasyon, binibigay ang lahat, sa ngalan ng pagtataguyod sa pamilya.

Ito naman ang aking suhestiyon, bakit hindi mo gamitin ang iyong mga natural na katangian upang makagawa o makapagpatayo ng sarili mong yaman. Likas sa ating mga Pinoy ang pagiging matiisin, bakit hindi mo ito linangin para sa iyong sariling pag-unlad. Ang iyong pag-unlad ay pag-unlad din ng iyong pamilya. Kung ikaw ay matagumpay sa pera, lalawak ang iyong abilidad na makatulong sa pamilya. Kaya kabayan, lalo na ikaw na nasa ibang bansa at nagtitiis, sabihin mo ngayon sa iyong sarili na ikaw ay may sariling kakayahan upang umunlad at maging mayaman. Tiisin mo ang hirap ng pagbibigay sakripisyo upang makamit ang iyong layunin na maging mayaman. Regular na magtabi ng pera at patuloy na magkalap ng kaalaman sa pagiging mayaman. Tiisin mo ang mga temtasyon ng makabagong panahon, huwag mong hayaang malunod ang iyong sarili sa kosumerismo, maging isang mapagimpok at matalino sa pera.

Panghuli, magdasal ka. Ipagdasal mo ang iyong tagumpay sa pera. Sabi sa Bibliya, “Humingi ka, at ito ay ibibigay sa iyo; Maghanap ka, at iyong makikita; Kumatok ka, at ang pinto ay magbubukas para sa iyo”. Sa mga liham sa atin ng Panginoon, linalapat niya sa atin kung papaano maging matagumpay. Kung iyong babasahin ang Bibliya ng madalas, lalo na ang “Proverbs”, ginagarantiya ko sa iyo, maliliwanagan ka sa maraming bagay at magkakaroon ka ng talino sa pera, sariling pag-unlad, at motibasyon. Ang ating Amang Diyos ang pinakamayaman sa lahat. Siya ang nagmamay-ari sa lahat ng iyong nakikita sa mundo at sa buong sangkalawakan. Isipin mo nalang, meron kang isang Ama na mayaman, at nandiyan ka. Ang kailangan mo lang gawin ay lumapit sa kanya at humingi ng kahit konti sa yaman niya. Sabi niya sa atin, kung tayo ay magbabalik sa kanya, susuotan niya tayo ng gintong kapa at gintong singsing. Kaya ano pa ang iyong hinihintay, lapitan mo na siya, at pagmasdan mo ang unti unting pagbabago ng iyong buhay.

Thursday, June 7, 2012

Susi sa Tagumpay, Mahalagang Tunay

Marami sa atin ang lito sa tunay na kahulugan ng tagumpay. Marami tayong depinisyon ng tagumpay, at iba-iba rin ang pakahulugan natin dito. Kung tatanungin mo ang ibang tao kung ano ang depinisyon nila ng tagumpay, magugulat ka sa mga ibat ibang paliwanag na makukuha mo galing sa kanila. Ito ay normal lamang, sapagkat ang bawat isa sa atin ay kakaiba o “unique”. Upang maintindihan natin ng lubos ang pagyaman ng isang tao, kailangan muna nating mabatid kung ano ang tunay na depinisyon ng tagumpay at ang tamang pagkuha nito ayon sa mga taong eksperto sa aspetong ito. Para sa akin, ang tunay na kahulugan ng tagumpay ay ang pagkakaroon ng kalayaan na magawa ang ano mang gusto mong gawin, at mabili ang ano mang gustuhin mo ng walang limitasyon sa pera.

Kung iyong mapapansin, ang mga mayayamang tao ay mga matagumpay sa kanilang industriya at nananatili silang matagumpay. Ito ay dahil sa isang bagay na kanilang nadiskubre, pinanghawakan, at pinahahalagahan. Ito, ay walang iba, kung hindi ang natatanging susi sa tagumpay. Ang susing ito ang nagbukas sa kanila sa pinto ng walang hanggang kasaganaan. Ibabahagi ko sa iyo ngayon ang susing ito at ako ay umaasa na ito’y iyong magagamit sa iyong paglalakbay patungo sa iyong inaasam na yaman. Kung ang susing ito ay gagamitin mo ng tama, at iintindihing mabuti ang kahulugan nito, kagaya ng mga mayayamang tao, bibigyan mo ng halaga at pakaiingatan, ang yaman ng mundo ay kusang lalapit sa iyo.

Ang susi sa tagumpay ay ang progresibong reyalisasyon sa isang mahalagang layunin. Kung nais mong maging mayaman, palagian mong isipin ang layunin mong ito. Bigyan mo ito ng reyalisasyon sa iyong buhay, at katulad ng hangin sa iyong paligid, sasabay ang iyong pag-iisip sa ihip ng iyong imahinasyon at pangarap na maging mayaman. Tandaan, ang iyong pagkamit sa iyong layunin na maging isang mayaman ay nakasalalay sa iyong positibong pag-iisip. Ang sabi nga sa isang kotasyon “Kung ano ang tinanim, ay siya ring aanihin”. Ito ay totoo sa pagbatid mo sa iyong layunin na maging mayaman. Kung ano ang iyong itatanim sa iyong isip, ay siya ring aanihin ng iyong buhay. Ang batas ng kalikasan na nagsasabi na sa bawat aksyon ay may katapat na kabaligtaran at pantay na reaksyon. Ang utak ay isang malaking pwersa na nagsasabog ng enerhiya hindi lamang sa iyong katawan upang umaksyon, pati rin sa paligid nito. Ito ang magsasabi sa iyo ng dapat mong gawin upang magtagumpay sa iyong palagiang iniisip na layunin. Ugaliin mong magtanim ng mga positibong pagiisip sa iyong utak at sanayin ito na makatanggap ng mga positibong bagay lamang. Huwag mong hayaan na mapasukan ito ng negatibong pag-iisip. Itatak mo sa iyong pag-iisip ang layunin na maging isang mayaman, isipin mo ito palagi at ipabatid sa iyong sarili na sa paraang ito, ikaw ay yayaman. Ito, ay isang garantisadong paraan na ginamit ng mga mayayamang tao mula pa sa panahon ng Babilonya. Kung ano ang nasa isip, ay siya ring makikita ng mga mata at madarama ng balat.

Ang tamang pagbibigay ng ehersisyo sa utak ang nagbibigay dito ng kakayahang magtala ng prayoridad. At ang pagtatala ng iyong layunin sa isang papel, at palagiang pagbasa nito ang isa sa mga ehersisyo na dapat mong gawin para sa iyong utak, tatlong beses sa isang araw. Kung ito ay iyong gagawin sa loob ng isang buwan, mahahasa ang iyong utak na tumanggap ng mga positibong pagiisip lamang. Ang utak ng tao ang pinakamakapangyarihang bagay na bigay ng Diyos na naglilinang sa yaman ng mundo. Ang walang hanggang yaman ay nagmumula sa utak ng tao, sa iyong utak. Huwag aksayahin ang regalong ito. Gamitin mo ito sa pagtatayo at pagkuha ng iyong sariling yaman.


Thursday, May 24, 2012

Pera Mo Pera Ko. Pera Ko, Pera Ko Lang!

Sa kultura nating mga Pilipino, kadalasan sa mga mag-asawa, ang babae ang humahawak at nagbubudget sa pananalapi ng pamilya. Siya ang umaasikaso sa lahat ng pangangailangan sa bahay, nagbabayad ng mga bills, at kung minsan, ang gumagawa ng paraan kapag kinakapos sa pera. Ang lalaki naman ang kadalasang nagpapasok ng pera sa bahay na siya namang iniintrega sa asawa. At kalimitan doon nagtatapos ang kanyang obligasyon sa paghawak ng salapi ng pamilya, kaya madalas nating naririnig ang mga salitang “Pera mo, pera ko din, pera ko, pera ko lang” sa mga mag-asawa. Ang ganitong klaseng pananaw sa paghawak ng pananalapi ng pamilya ay isang maling paniniwala na nakalakihan na natin at naging katanggap-tanggap na bilang isang katotohanan ng buhay. Ngunit ang totoo, isa itong napakalaking pagkakamali na dapat ituwid upang maging matagumpay sa buhay. Mayroong malaking korelasyon ang tamang paghawak ng pera ng mag-asawa at ang pagiging mayaman.

Ang pag-ayon at damayan sa paghawak ng pera ng mag-asawa ang nagdadala ng armonya sa kanilang pagsasama. Kung iyong mapapansin, ang madalas na pinagmumulan ng away ng mag-asawa ay pera. Ito ay dahil narin sa hindi pantay na pagbibigay ng obligasyon sa pinansiyal na aspeto ng kanilang pagsasama. Tayong mga lalaki ay kampante na basta’t nagbibigay tayo ng pera sa ating asawa, ang lahat ay maayos na. Samantalang ang mga babae ay nabibigatan sa presyur na dala ng pagbabalanse ng pera upang mapagkasya ito hanggang sa susunod na intrega.

Sa iyong paglalakbay patungo sa pagkakaroon ng yaman, importante na kayong dalawa ng asawa mo ay sabay na magdesisyon at magpanghawak sa inyong pera. Kalimutan ang nakalakihang paniniwala na ang pera ni mister ay pera din ni misis at ang pera ni misis ay pera lang ni misis. Ang pera mo at pera niya ay pera ninyong dalawa. Kayo ay nasa banal na pagbubuklod ng kasal. Kayo ay nabasbasan bilang isa, at nagsumpaan na magtutulungan sa hirap o ginhawa. Sa aming dalawa ng aking asawa, walang sinuman ang nagiisang humahawak at nagdedesisyon sa pera. Kapag meron akong pagkakagastusan sinasabihan ko muna siya at humihingi ng pahintulot at kapag sumang-ayon siya doon palang ako gagastos at ganun din naman siya sa akin.

Ang away sa pera ang isa sa mga numero unong dahilan ng paghihiwalay ng mag-asawa. Kaya kung hindi ninyo pagsisikapan na maisaayos ang inyong paghawak sa pananalapi, kayo ay may malaking tiyansa na mapunta sa hindi kaaya-ayang hiwalayan na ayon sa pag-aaral ay nagbibigay nang pangmatagalang depresiyon sa inyong dalawa na nagiging sanhi ng pagkakaroon ng “victim mentality” o negatibong pananaw sa buhay. Tandaan, ang pagtatagumpay sa salapi at ang pagkakaroon ng yaman ay batay sa iyong positibong pananaw sa buhay.

Ang madalas na pagtalakay o pag-uusap patungkol sa estado ng inyong pananalapi, at ang sabay na pagbalanse ng inyong pera ang pinaka epektibong paraan upang lumawak ang inyong komunikasyon at pang-unawa pagdating sa mga usapin sa inyong pananalapi. Ugaliing magdesisyon ng sabay sa lahat ng bagay na may epekto sa inyong pagsasama at kalusugan sa pananalapi. Sabi nga nila “it takes two to tango”, kung sabay ninyong pagtatrabahuhan at pagsisikapan ang pagtatagumpay sa pera at maging mayaman, maaga ninyong matatamo ang kaligayahang hatid ng pagiging matiwasay hindi lamang sa pera, pati narin sa kalayaan sa kung ano paman ang gusto mong magawa at makamit sa buhay.

Thursday, May 17, 2012

Pagbabayad ng Utang, Ugaling Marangal

Kung ikaw ay sagad na sa utang at nais nang makawala sa kadena nito, ang una mong dapat gawin ay ang tigilan na ngayon mismo ang ano mang uri ng pangungutang. Kung ikaw ay may credit card, gupitin na ang mga ito upang hindi na makautang pang muli. At kung ikaw naman ay may pagkakautang sa sino mang tao, kausapin sila ng maayos at sabihan mo sila na ikaw ay naghahangad na mabayaran ang lahat ng iyong pagkakautang. Kung wala kapang pambayad sa kanila sa ngayon, pangakuan mo sila ng may buong puso at intensiyon na sila ay iyong babayaran na naayon sa inyong napagusapan. Ilista mo ang lahat ng iyong pagkakautang mula sa may pinakamaliit na balanse hanggang sa may pinakamalaki gaano man kalaki ang interest, kung meron man. Ang sumusunod ay isang halimbawa sa pagtatala ng iyong mga utang:

Utang                                 Balanse

Credit Card 1                     1, 000
Credit Card 2                     2, 000
Credit Card 3                     5, 000
Personal na Utang               7, 000
Bill sa Ospital                    10, 000
Utang sa Tuition                30, 000

Ang iyong listahan ang iyong magsisilbing gabay sa pagbabayad ng iyong mga utang sa pinaka-epektibong paraan. Bago magsimula sa pamamaraang ito, siguraduhin mo na hindi ka atrasado sa pagbabayad ng pinakamaliit na halaga kung ikaw ay nagbabayad ng hulugan alin man sa mga utang sa iyong listahan. Kung ang iyong pagkakautang naman ay hindi hulugan at nangangailangan ng pagbabayad ng buo, siguraduhin mo na nakausap mo at naipaliwanag mo sa taong iyong pinagkakautangan ang iyong planong pagbabayad ng tama sa kanya. Ipakita mo sa kanya ang iyong listahan kung kinakailangan upang makuha mo ang kanyang simpatya at respeto sa iyong tama at marangal na plano sa pagbabayad ng iyong mga utang. Madalas, kung ikaw ay hindi nakapagbayad ng utang sa tamang panahon, nawawala ang tiwala sa iyo ng taong iyong napag-utangan kaya nagiging mahirap na pakiusapan siya na maghintay habang iyong binabayaran ang mga unang utang sa iyong listahan bago ang sa kanya. Sa sitwasyong ito, sabihin mo sa kanya na handa kang magbayad ng regular kahit na maliit na halaga lamang maipakita mo lamang sa kanya ang iyong seryosong intensiyon na pagbayad sa kanya at hindi mo tatalikuran ang iyong obligasyon na bayaran siya ng buo.

Pagkatapos mong gawin ang mga nabanggit sa mga naunang talata, umpisahan mo ng may kagalakan sa puso ang iyong planong pagbabayad ng marangal sa iyong mga utang. Tignan mo ang iyong listahan at tukuyin ang pinakaunang utang na nasusulat dito. Ituon ang iyong buong atensiyon sa pagbabayad ng utang na ito. Bayaran ito ng mabilis sa abot ng iyong makakaya. Ipunin ang lahat ng sobrang perang iyong makukuha, kung ito man ay galing sa bonus, sideline, extrang trabaho, pagtitinda, pagbebenta ng gamit sa amazon.com o sa internet, o kung ano mang paraan na maisip mo upang magkaroon ng extrang kita at ibagsak lahat sa utang na ito upang mabilis itong mabayaran. Tratuhin ito bilang isang pinakamahalaga at pinakaimportanteng gawain na kailangan mong matapos sa lalong madaling panahon. Kung iyong ibubuhos ang iyong enerhiya sa pagbabayad ng utang na ito, mababayaran mo ito nang hindi mo mamamalayan.

Kapag bayad na ang pinakaunang utang sa iyong listahan, ibaling naman ang lahat ng iyong atensiyon at enerhiya sa pagbabayad sa susunod na utang sa iyong listahan. Ulitin ang mga pamamaraan na iyong ginawa sa naunang utang hanggang ito ay mabilis na mawala. Ulit ulitin ang mga pamamaraang ito sa lahat ng mga utang sa iyong listahan ayon sa kanilang pagkakasunod sunod. Habang ikaw ay nagtatagumpay sa pagbabayad ng mga nauunang utang sa iyong listahan, lumalaki ang iyong kapasidad na bayaran ang mga susunod na utang sapagkat lumiliit na ang kabuuang halaga ng iyong mga utang at nabibigyan ka ng sobrang pera na dapat sana ay napupunta sa pagbabayad ng regular sa mga utang na ito. Depende sa laki ng iyong pagkakautang, at sa tindi ng iyong hangarin na makawala sa iyong mga pagkakautang, ang karaniwang pagtatagumpay laban sa tanikala ng utang ay umaabot ng anim hanggang isang taong pagsunod sa pamamaraang ito. At kung ikaw ay magtagumpay sa laban mong ito, gawin mo sana itong isang kaaya ayang paglalakbay na may kinapulutang aral. Lumayo at huwag na muling bumalik sa pang-aalipin ng utang. Lahat ng mayayaman sa mundo ay naging mayaman hindi dahil sa utang, bagkus sa paglayo at sa pag-iwas sa pagkakaraoon nito.

Ang paglalaan ng masidhing layunin at pagtutuon ng labis na pansin sa pagbabayad ng utang ang pinakamakapangyarihang sandata sa pagkawala sa kadena at kahirapan na dulot at hatid ng utang. Sa pagkawala ng kamandag ng utang sa iyong buhay, mararanasan mo ang mapayapa at masaganang buhay na walang ibang kahihinatnan kung hindi ang pagtatagumpay sa pera at pagkamit ng iyong inaasam na yaman.

Inaanyayahan ko kayo na magkomento sa mga paksa na nasusulat sa blog na ito. Ang inyong suhestiyon at pahayag ay importante sa aking pagsulat at ako ay umaasa na kayo ay aking nabibigyan ng kahit na kakaunting liwanag, pag-asa, at kamulatan patungkol sa mga usapin sa pera at pagyaman. Pwede niyo ring subaybayan ang aking blog sa pamamagitan ng paggamit sa RSS FEED na nasa kanang bahagi ng pahinang ito.

Tuesday, May 1, 2012

Sa Pangungutang Maghihirap ng Kaytagal

Sa paksang ito, tatalakayin ko ang isa sa pinakaimportanteng bahagi ng pagyaman ng isang tao, ang tamang pabibigay solusyon sa problema sa pera o salapi. Kagaya mo, lahat ng tao sa paligid mo ay may pinagdaraanang problema sa pera na kalimitan ay nangangailangan ng matinding sakripisyo upang ito ay malunasan o mapagtagumpayan. Ang taong nalampasan at natuto sa mga pagsubok pagdating sa paghawak ng pera ang siyang kadalasang nangingibabaw at nagtatagumpay sa buhay. 

Kung ikaw ay may problema sa pananalapi, huwag mangamba, harapin ito ng may buong paghatol na ito ay iyong masosolusyunan. Gawin mo itong hamon sa iyong buhay at sabihin sa sarili na kapag ito ay napagtagumpayan, magbibigay ito sa iyo ng kakaibang lakas upang maging mas matatag sa pagharap sa mga susunod na pagsubok. Ang pagharap sa pagsubok ang siya lamang magbibigay ng solusyon sa iyong problema, sa pera man, pamilya, o kabuhayan. 

Ang pinakamalaking balakid sa pagyaman ng Pinoy ay ang mga sunod-sunod na kamalian sa paghawak ng pera na madalas ay nagpapahina sa kanya at umuubos ng kanyang pag-asa na umasenso sa buhay. Kasunod nito ang mga problemang naglulugmok sa kanya sa kahirapan. Ang numero uno sa listahan ng mga problemang ito ay ang pagkakabaon sa utang. Ang pangungutang ay isang sintomas ng isang matinding problema sa pananalapi, at ang tamang pagkilala sa problema ang siya lamang magbibigay lunas dito. Ano nga ba ang tunay na problema kung ikaw ay may sintomas na pangungutang? Ang problema ay ang iyong sarili, humarap ka sa salamin at masdan ang taong nakatitig dito. Nakikita mo ba sa salamin ang taong matalino sa paghawak ng pera? Ang pangungutang ay isang manipestasyon ng iyong pag-uugali sa paghawak ng pera. Ayon sa pag-aaral ang paghawak ng pera ay dalawampung porsyentong laman ng utak at walongpung porsyento ng pag-uugali. Ibig sabihin malaking bahagi ng iyong pagdedesisyon sa paggamit ng pera ay nasa iyong pag-uugali at hindi sa iyong pag-iisip. Kung babaguhin mo ang iyong pag-uugali sa salapi, at kung tatratuhin mo ang pera bilang isang mahalagang gamit sa pagakumula ng yaman, lahat ng iyong problema sa pananalapi ay mawawala ng tuluyan. Itali mo ang iyong sarili sa utang, at ikaw ay masasakal sa lubid ng kahirapan sa haba ng iyong buhay. 

Kagaya ng madalas ko na binabanggit, iwasan kagaya ng pag-iwas sa sakit ang pagkakaroon ng utang sa kung sino pa man para sa ano mang bagay. Kung ikaw ay may nakalaan na pera para sa mga di inaasahang pangyayari, ikaw ay protektado na sa ano mang problema sa pananalapi na darating sa iyong buhay. Kaya ang aking payo, umpisahan mo na ngayon ang mag-impok ng sapat upang maging kampante ka sa buhay at upang makapagpatuloy ka sa pagtahak ng mga hakbang patungo sa iyong pagyaman. 

Abangan ang aking susunod na artikulo patungkol sa tama at marangal na pagbabayad ng utang… 

Tuesday, April 24, 2012

Pera Pera Ano Ang Iyong Halaga?

Kung hindi mo pa napapansin, sa panahon ngayon, iba na ang pagtrato natin sa salapi. Ang una nating intuwisyon kapag tayo ay nakahawak ng pera ay ang gastusin ito sa mga bagay na nais nating makamit na ngayon. Ang kaugalian nating mga Pinoy na paggamit sa pera bilang isang pampukaw ng sariling damdamin o pagbibigay sa sarili ng premyo sa mga bagay na hindi pa napapagtagumpayan upang mapasigla ang ating sarili at maging kaaya-aya sa iba ay isang malaking kamalian at mitolohiya na dapat nating matutunang itama sa pamamagitan ng pagkakaroon ng tamang pananaw sa tunay na halaga ng pera sa ating personal at panlipunang ekonomiya. 

Ang pera o salapi ay isang mahalagang gamit sa pagaakumula ng sariling yaman. Kung ito ay iyong gagamitin sa tamang paraan sa paglikop ng yaman, magbibigay ito sa iyo ng walang hanggang kasaganaan sa buhay. Upang lubos nating maintindihan ang tunay na halaga ng pera, sariwain natin ang pinagmulan nito at kung bakit ito may halaga. Ang pera, sa kanyang sariling depinisyon, ay isang uri ng garantiya ng isang gobyerno ng isang bansa sa kanyang mamamayan, na ang pagkakaroon nito ay nagbibigay sa iyo ng karapatan na makatanggap ng bagay o mga bagay na kasing halaga nito. Sa madaling salita, isa itong kasulatan na nagbibigay sa iyo ng karapatan na ipangpalit ito sa isang bagay na may kaparehang halaga. 

Noong unang panahon, ang pera ay isang resibo o katibayan na nagmamay-ari ka ng isang mahalagang metal, isang ginto. Sa patotoong ito, ang pera ay sumisimbolo sa isang bagay na may halaga. Ngayon, kung ang iyong pera ay pinambili mo ng dell laptop o kaya naman ng usong-usong cell phone ngayon, ang iphone na mabibili sa apple.com, ang halaga ng iyong pera ay nailipat sa mga bagay na ito, ang mga bagay na ito na ang sumisimbolo sa halaga ng iyong pera. Alam nating lahat na ang laptop at cell phone habang naluluma o nasisira ay bumababa ang mga halaga nito. Kung ikaw ay matalino sa paggamit ng pera maiisip mo agad na ang perang ipinambili mo sa mga gamit na ito, kung iyong ibebenta sa iba, ay hindi na maibabalik sa iyo ang katumbas na halaga na iyong ipinambayad. Sa makatuwid, binili mo ng mahal, ibinenta mo ng mura. Sa kabilang banda kung ang iyong pera ay ipambibili mo ng bahay at lupa sinisigurado nito na ang pera mo ay hindi bababa sa kanyang kasalukuyang halaga bagkos ito ay tataas pa, dahil alam naman nating lahat na ang halaga ng bahay at lupa ay tumataas, naaayon narin sa pagdami ng tao na nangangailangan ng matitirahan. 

Sa pamamagitan ng tamang pagtatabi at paggamit ng pera mababatid mo ang tunay na halaga nito. Ugaliin magimpok ng pera upang magamit mo ito sa pagbili ng mga bagay na nakakadagdag sa kasalukuyang halaga nito. Sa ganitong paraan, makukuha mo ng mabilis ang natatanging yaman na ninanais mo.

Wednesday, February 29, 2012

Limang Gintong Hakbang sa Pagkakaroon ng Tunay na Yaman

Ako ay naniniwala na ang bawat isa sa atin ay may kapabilidad na maging mayaman at mamuhay ng masagana. Ang pagkakaroon ng yaman ay may mga hakbang na dapat sundin upang magtagumpay sa pagkuha nito. Kagaya ng isang bata na natututong lumakad, isang hakbang bago humakbang muli ang kanyang paraan upang matutong lumakad. Ang mga hakbang sa mga susunod na talata kung mapagtatagumpayan ay magbibigay sa atin ng walang hanggang kasaganaan.

Unang hakbang patungo sa pagyaman – Mag-impok ng sapat para sa mga hindi inaasahang pangyayari o emergency. Kung ikaw ay nahospital, o kaya naman ay nasunugan, nawalan ng trabaho, ano ang gagawin mo? Karamihan sa atin ay manghihiram ng pera sa iba upang makaahon sa hirap ng pinagdaraanan at magkaroon ng pagkakataon na makapagsimula ulit. Ang numero unong balakid sa pagyaman ng isang tao ay ang kanyang pagkakabaon sa utang. Iwasan kagaya ng pag-iwas sa sakit ang pagkakaroon ng utang sa iba. Ang sapat na naitabing pera ay magsisilbing salbabida sa iyong lumulubog na Bangka. Ugaliing magtabi ng sampung porsyento ng iyong kabuuang kinikita para lamang sa hakbang na ito. Ang nararapat na halaga ng iyong emergency fund ay naaayon sa iyong pangangailangan. Ang ideal na halaga ay tatlo hangang anim na buwan na panggastos.

Pangalawang hakbang patungo sa pagyaman – Bayaran lahat ang iyong pagkakautang. Anuman ang dahilan ng pagkakaroon mo ng utang sa iba, bayaran mo ito ng may buong intensiyon at pasasalamat sa sino mang nautangan mo. Sinasabi sa Bibliya na ang nanghiram ng pera ay isang alipin sa nagpahiram ng pera. Itigil mo na ang pagiging alipin at pagsikapin mo na maging isang malayang tao na may layunin na maging mayaman. Ituon ang iyong buong atensiyon sa pagaakumula ng yaman.

Pangatlong hakbang patungo sa pagyaman – Mag-impok ng sapat para sa iyong marangal na pagreretiro. Kapag ikaw ay nasa edad na at hindi na kayang magtrabaho, sino ang iyong aasahan na mag-aalaga at magbibigay sa iyong mga pangangailangan? Nabanggit ko sa aking nakaraan na artikulo na tayong mga Pinoy ay may mentalidad na ang ating pamilya ang ating maasahan pagdating ng panahon. Kung ikaw ay aasa sa iyong pamilya, hindi mo malulubos ang kaligayahan ng buhay. Huwag mong gawing pabigat ang iyong sarili sa iyong pamilya. Tayo ay mga tao na may kanya kanyang pamumuhay.

Pang-apat na hakbang patungo sa pagyaman – Ipuhunan ang iyong naimpok para sa iyong marangal na pagreretiro sa mga investments na ligtas at sigurado. Kung iyong iisipin ang pagreretiro ay malayo pa sa iyong edad, ngunit sa tamang pagpaplano at pagiimpok at pamumuhunan, sa panahon na ikaw ay magreretiro na, hindi ba masarap mabuhay na ikaw ay may yaman na maibabahagi sa iyong sarili, pamilya, at sa kapwa? Ang mga hakbang sa pamumuhunan ay aking idedetalye sa mga susunod na artikulo na aking ililimbag.

Pang-limang hakbang patungo sa pagyaman – Magbigay at tumulong sa mga nangangailangan, maging isang pilantropo. Sa hakbang na ito, ikaw ay nasa rurok na ng iyong tagumpay sa pagkakaroon ng yaman. Ito na ang pagkakataon na ikaw ay makapagbigay at mangurot ng puso ng iba. Ang pagbibigay tulong ang pinakamasayang bagay na mararanasan ng isang tao. Kaya naman pagdating mo sa hakbang na ito, gawin mong kaayaaya at mag-iwan ka ng pangalan na maalala ng mga tao sa haba ng panahon.

Sakit sa Bulsa, Walang Pera

Marami ang nagtatanong, papaano ako yayaman kung kakaunti lamang ang kinikita ko? Wala naman akong trabaho? Mahirap lang kami. Ang tamang kapaliwanagan ay nasa utak ng bawat isa sa atin. Kung iniisip mo at isinasabuhay mo na ikaw ay mahirap, ikaw nga ay maghihirap. Ang pagiging mahirap ay nasa utak lamang. Walang taong maghihirap kung ang pagiisip lang nila ay katulad ng isang mayaman. Ang kahirapan ay isang estado ng kaisipan na nagsasabi sa atin na tayo ay mahirap. Kung ito ay papalitan natin ng positibong pagiisip, katulad ng pagsasabi ng “Hindi ako mahirap”, tayo ay aahon at magsisikap na maiangat ang ating sarili sa kasalukuyang kinalalagyan.

Gawin nalang natin halimbawa ang mga buhay ni Manny Villar at Henry Sy. Sila, bagamat hindi ipinanganak na mayaman, nag-umpisa sa wala, nagsikap at hindi sumuko sa mga hamon ng buhay. Kung ikaw ay maniniwala na ang buhay mo ay aangat at ang paniniwalang ito ay iyong isinabuhay, ang buhay mo ay mag-iiba. Parang isang attraksiyon na kung saan ang anumang positibong iniisip mo ay tunay na nagaganap sa iyong buhay. Ang pagkakaroon ng yaman katulad ng pagkakaroon ng positibong pag-iisip ay nasa utak lamang.

Ang Pinoy ay likas na malikhain, maabilidad, at masipag. Kung kakaunti ang iyong kinikita, maghanap ka ng ibang mapapagkakitaan at gamitin mo ang iyong natatanging lakas upang makapagimpok ng sapat para sa iyong susunod na hakbang patungo sa pagyaman. Kung ikaw ay walang trabaho, magdasal ka sa Diyos na bigyan ka ng lakas upang hindi sumuko. Gamitin mo ang lahat ng iyong makakaya sa paghahanap ng mapagkakakitaan, ang oportunidad ay hindi nawawala habang ikaw ay buhay. Tandaan, ang Panginoon ay binibiyayaan ang mga taong nagtitiyaga at nagtitiwala sa kanya.

Ang Tunay na Mayaman – Isang Paglalarawan

Sino nga ba ang tunay na mayaman? (Tandaan, ang yaman na binabanggit sa lahat ng paksa sa blog na ito ay patungkol sa praktikal at literal na depinisyon ng kayamanan). Sa Pilipinas, siya ay isang mapustura, sikat, makapangyarihan, at maimpluwensiyang tao. Sa ating kultura, pinaniniwalaan natin na ang tao ay isang mayaman batay sa mga nabanggit na paglalarawan. Ngunit ito nga ba ang tunay na paglalarawan sa isang tunay na mayaman?  Sa aking progresibong kaalaman sa mga taong mayayaman, sila ay ang mga karaniwang tao na may kakaibang pag-iisip at ugali. Ang mayaman na tao ay si manong na may-ari ng isang negosyo. Natutulog siya ng maaga at nagigising din ng maaga upang magtrabaho araw-araw. Siya ay hindi magastos, binibili niya ang mga bagay na kailangan niya at ang mga bagay na gusto niya ayon sa kaniyang nakasulat na budget. Siya ay may sapat na ipon upang makapagretiro ng marangal. Siya ay may kakayahang palaguin ang kanyang negosyo sa pamamagitan ng perang naitabi niya. Siya rin ay nagbibigay at tumutulong ng kusa sa mga kapos palad at mga nangangailangan. Ang tunay na mayaman ay kontento sa buhay, walang problema sa pananalapi at mayroong kayamanang maipapamana sa kanyang pamilya. Ito ang tunay na mayaman, nabubuhay ng hindi higit sa kanyang pangangailangan, matalino sa paghawak ng pera, at mapagbigay sa kapwa.

Sa naunang paglalarawan ang mga taong akala natin ay mga tunay na mayayaman ay hindi pala. Sa materyal na bagay sila ay sagana, ngunit sa pagiisip at paguugali sila ay nagkukulang. Ang mga taong ito ay ang mga tinatawag na magarbo ang buhay. Ang paglustay ng kanilang pananalapi ay kasing laki ng kanilang hangarin na makilala bilang makapangyarihan, sikat, at maimpluwensiyang tao. Malayo ang pagiisip nila sa isang tunay na mayaman. Ang tiyansa nila na bumalik sa kahirapan ay malaki, dahil sa kanilang mentalidad at uri ng pamumuhay.

Ang pagkakaroon ng yaman ay isang obligasyon na itinalaga sa atin ng Diyos. Tayo ay katiwala lamang ng kayamanan natin sa lupa. Kung ito ay iyo lamang lulustayin sa isang magarbong buhay, hindi ito nararapat sa iyo. Ang kayamanan ay ibinabahagi sa iba, at pinamamahalaan ng may puso. Sa huli, sa pamamagitan ng iyong matiyagang pagdarasal sa Panginoon, pagsisikap, matalinong pamamaraan, at wais na paghawak ng pera, ikaw din ay matatawag na isang tunay na mayaman.

Yayaman Ako... Sana Sana

Madalas, tayo ay nangangarap na yumaman. Libre namang mangarap hindi ba? Ang pangarap na walang pagsisikap ay isa lamang panaginip. Hindi ka yayaman kung hindi mo ito pagsisikapan. Ako ay natawa ng mapanood ko sa telebisyon ang isang ale. Iniinterbyu siya patungkol sa pagtaya ng lotto. Tinanong siya kung bakit siya tumaya sa lotto. Ang kanyang sagot? "Para yumaman ako at hindi na hamakin ng mga mayayamang tao". Sa totoo lang ang aleng ito ay walang ideya kung papaano maging mayaman at kung papaano naging mayaman ang mga mayayamang tao. Kung ang tanging paraan niya lamang upang yumaman ay tumaya sa lotto araw-araw, malamang uugod ugod na ang pobreng ale hindi pa siya mayaman.

Marami sa ating mga Pinoy ang naniniwala na tayo ay yayaman pagdating ng panahon, nanalangin, nagdadasal, naghihintay na mahulugan ng biyaya sa taas, nanaginip na bukas pag-gising natin mayaman na tayo. Ito ay isa lamang sa mga maling paniniwala nating mga Pinoy. Tayo ay nalubog sa mga maling paniniwala na naipasa sa atin ng ating mga magulang. Sabi nga sa isang kotasyon "If you tell a lie, long enough, and often enough, it will eventually become the truth". Sa abot ng aking makakaya, sa pamamagitan ng mga katotohanan ng buhay na aking naranasan, sisikapin ko na tuldukan ang mga maling paniniwalang ito sa mga susunod na artikulo na aking ililimbag.

Ang totoo, hindi ka yayaman kung ikaw ay umaasa lamang sa milagro. Ikaw ay yayaman sa pamamagitan ng pagsisikap, pagtataya ng layunin, at pagiging disiplinado sa buhay. Kung ikaw ay may layunin na maging mayaman, sundin mo ang mga panuntunin sa pagiging mayaman. Iwaksi ang bisyo, at magbago ng kaisipan pagdating sa paghawak ng salapi. Gayahin mo ang mga kilos ng isang mayaman, ngunit huwag kang mag asta na isang mayaman. Ikaw ay hindi pa mayaman ngayon, ngunit kung iyong tatanggapin at isa sa puso ang mga kaugalian, at kaisipan ng isang mayaman, ikaw ay isa ng mayaman sa darating na bukas.

Panimula - Kaalaman sa Buhay

Ang aking hangarin sa pagsulat sa blog na ito, ay matulungan ang kapwa ko Pilipino na maging malaya sa buhay pagdating sa usapin sa pera. Ang blog na ito ay naisulat para sa iyo na naghahanap ng kaginhawaan sa buhay. Sa patuloy na pagbasa mo sa mga naisusulat sa mga pahina ng artikulo patungkol sa pera, mararamdaman mo ang pagsikat ng bagong pag-asa sa iyong buhay. Ninanais ko, sa pamamagitan ng blog na ito na ikaw ay mabigyan ng katahimikan ng isip, mabuhay ng matiwasay na puno ng pag-asa at kayamanan.

Katulad mo, ako rin ay nangarap na magkaroon ng masaganang buhay. Pero marami sa atin ang hindi nakakaintindi sa tunay na kahulugan ng kasaganaan sa buhay. Ano ba ang tunay na yaman ng isang tao? Para sa ating mga Pilipino na nahubog ang buong pagkatao sa conserbatibong  kultura at pamayanan, ang ating yaman ay una ang ating pamilya, pangalawa ang ating mga kaibigan, pangatlo ang ating malusog na pangangatawan. Ako ay sumasangayon sa lahat ng nabanggit, ngunit kung iyong pagbabatayan ay ang praktikal na kabuhayan at ang realismo ng buhay ang tatlong kayamanan para sa atin ay mga sekondaryo lamang. Bakit ko ito nasabi? Sa ating mga Pilipino ang pamilya ang unang sandalan sa oras ng kagipitan, ngunit papaano nalamang kung sa oras ng kagipitan ang pamilya ay wala ring maibahagi upang ikaw ay matulungan? Kung ang pamilya ay walang maibigay na tulong, madalas nating nilalapitan ang ating mga kaibigan. Ngunit papaano nalamang kung ang kaibigan na inaasahan ay wala ring maitutulong o kung tumulong man, ikaw ba ay tunay na natulungan? Sa mga artikulo na aking ililimbag sa mga susunod na araw idedetalye ko ang paksang ito patungkol sa pagtulong ng isang kaibigan. Ang pangatlong nosyon nating mga Pinoy, "Ako ay mayaman dahil ako ay malusog". Ikaw nga ay malusog, ngunit maisasangla mo ba ang iyong kalusugan upang malunasan ang iyong problema sa pananalapi?

Ano nga ba ang tunay na kahulugan ng yaman? Ang yaman, ay isang pamamaraan na kung saan ikaw ay nabibigyan ng extra ordinaryong abilidad na makapagbigay sa sino mang gustohin mong bigyan ng salapi. Ito ay nagbibigay sayo ng kalayaan na mabili ang ano mang gustohin mo, at nagbibigay sa iyo ng abilidad na mamuhunan sa negosyo at ibang bagay na magbibigay sa iyo ng karagdagang pera.

Papaano ba matatamasa o makukuha ang isang yaman? Ang yaman ay makukuha sa isang pamamaraan lamang, ito ay ang patuloy na pagkalap ng kaalaman sa pagkuha nito. Kung ikaw ay nasasadlak sa kahirapan ng buhay, huwag mawalan ng pag-asa. Ang blog na ito, kung iyong madalas babasahin ay magbibigay sayo ng kaalaman sa pagaakumula ng iyong sariling kayamanan. Ikaw ay maliliwanagan sa mga bagay na sa una ay wala o kulang ka sa kaalaman.

Halika kaibigan, tayo na at matuto sa tamang pagkuha ng yaman.