Nuffnang

Thursday, June 14, 2012

Pag-unlad sa Buhay, Galing sa Iyo at sa Iyong Ama

Sabi nila, sa Pilipinas, kahit saan ka tumingin, makikita mo ang mukha ng kahirapan. Meron pa bang makakapagsabi sa iyo ngayon na magaan ang buhay sa Pilipinas? Madalas nating sinisisi ang ating gubyerno sa kasalukuyang katayuan natin sa buhay. Bakit hindi diba? Meron silang sinumpaang tungkulin at obligasyon na tayo ay gabayan at bigyan ng sapat na oportunidad upang umunlad. Dahil sa kawalan ng oportunidad sa ating sariling bansa, napipilitan ang iba sa atin na mangibangbansa upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang sarili at ang pamilya. Ngunit para sa akin, ang ganitong kaisipan ay hindi makakabuti sa iyo, ito ay nakakadagdag sa paunti-unting pagkasira ng iyong mga pangarap sa buhay. Muli, ang pagiisip ng pagiging talunan ay hindi maganda para sa iyong pag-unlad. Hindi ka isang biktima. Ikaw ang gumagawa ng sarili mong kapalaran. Huwag iasa sa gubyerno o sa iba ang iyong pag-unlad. Naniniwala ako sa iyong abilidad, at ang Panginoon ay palaging nasa tabi mo upang gabayan ka sa iyong buhay.

Ang Pinoy ay may mga natural na katangian na maipagmamalaki sa sarili at sa iba na siya rin namang maaring gamitin upang paunlarin ang sarili. Tayo ay nahubog sa isang lipunan na salat sa karangyaan at magagandang bagay. Ang karanasan natin sa buhay sa Pilipinas ang nagbigay sa atin ng ating mga kakaibang katangian. Katulad nalang ng pagiging matiisin. Nagtitiis tayo sa isang mahirap na sitwasyon, binibigay ang lahat, sa ngalan ng pagtataguyod sa pamilya.

Ito naman ang aking suhestiyon, bakit hindi mo gamitin ang iyong mga natural na katangian upang makagawa o makapagpatayo ng sarili mong yaman. Likas sa ating mga Pinoy ang pagiging matiisin, bakit hindi mo ito linangin para sa iyong sariling pag-unlad. Ang iyong pag-unlad ay pag-unlad din ng iyong pamilya. Kung ikaw ay matagumpay sa pera, lalawak ang iyong abilidad na makatulong sa pamilya. Kaya kabayan, lalo na ikaw na nasa ibang bansa at nagtitiis, sabihin mo ngayon sa iyong sarili na ikaw ay may sariling kakayahan upang umunlad at maging mayaman. Tiisin mo ang hirap ng pagbibigay sakripisyo upang makamit ang iyong layunin na maging mayaman. Regular na magtabi ng pera at patuloy na magkalap ng kaalaman sa pagiging mayaman. Tiisin mo ang mga temtasyon ng makabagong panahon, huwag mong hayaang malunod ang iyong sarili sa kosumerismo, maging isang mapagimpok at matalino sa pera.

Panghuli, magdasal ka. Ipagdasal mo ang iyong tagumpay sa pera. Sabi sa Bibliya, “Humingi ka, at ito ay ibibigay sa iyo; Maghanap ka, at iyong makikita; Kumatok ka, at ang pinto ay magbubukas para sa iyo”. Sa mga liham sa atin ng Panginoon, linalapat niya sa atin kung papaano maging matagumpay. Kung iyong babasahin ang Bibliya ng madalas, lalo na ang “Proverbs”, ginagarantiya ko sa iyo, maliliwanagan ka sa maraming bagay at magkakaroon ka ng talino sa pera, sariling pag-unlad, at motibasyon. Ang ating Amang Diyos ang pinakamayaman sa lahat. Siya ang nagmamay-ari sa lahat ng iyong nakikita sa mundo at sa buong sangkalawakan. Isipin mo nalang, meron kang isang Ama na mayaman, at nandiyan ka. Ang kailangan mo lang gawin ay lumapit sa kanya at humingi ng kahit konti sa yaman niya. Sabi niya sa atin, kung tayo ay magbabalik sa kanya, susuotan niya tayo ng gintong kapa at gintong singsing. Kaya ano pa ang iyong hinihintay, lapitan mo na siya, at pagmasdan mo ang unti unting pagbabago ng iyong buhay.

6 comments:

  1. yes maraming salamat sa idea sir akoy patoloy parin sa pag subaybay sa iyong blog God bless u

    ReplyDelete
  2. Maraming salamat sa inyong pagsubaybay. Asahan po ninyo ang mga susunod na makabuluhang pagtalakay sa pera at sa pag-unlad nating mga Pinoy.

    ReplyDelete
  3. ur welcome po sir palgi ko talaga itong sinusundan kasi gudto ko rin umumlad sa buhay pauwi na rin ako ng Pinas 6months na lng ako dito sa saudi kaya nag aral ako para doon na ako sa Pinas mag work or mag negosyo dapat matoto ako sa mga blog mo at isa puso para my guide ako salamat talaga sa blog na ito yes......

    ReplyDelete
  4. morning po,gusto ko po na madagdagan ang aking karunungan sa pag nenegosyo ano pa po ba ang mnga dapat gawin?

    ReplyDelete
  5. morning po,gusto ko po na madagdagan ang aking karunungan sa pag nenegosyo ano pa po ba ang mnga dapat gawin?

    ReplyDelete
  6. Salamat SA Aral na natutunan KO. Inspirasyon KO ang lahat Ng MGA Likha mong liham para SA MGA katulad Kong nangangarap na maisaayos at mag tagumpay SA buhay. God blessed.

    ReplyDelete