Sino nga ba ang tunay na mayaman? (Tandaan, ang yaman na binabanggit sa lahat ng paksa sa blog na ito ay patungkol sa praktikal at literal na depinisyon ng kayamanan). Sa Pilipinas, siya ay isang mapustura, sikat, makapangyarihan, at maimpluwensiyang tao. Sa ating kultura, pinaniniwalaan natin na ang tao ay isang mayaman batay sa mga nabanggit na paglalarawan. Ngunit ito nga ba ang tunay na paglalarawan sa isang tunay na mayaman? Sa aking progresibong kaalaman sa mga taong mayayaman, sila ay ang mga karaniwang tao na may kakaibang pag-iisip at ugali. Ang mayaman na tao ay si manong na may-ari ng isang negosyo. Natutulog siya ng maaga at nagigising din ng maaga upang magtrabaho araw-araw. Siya ay hindi magastos, binibili niya ang mga bagay na kailangan niya at ang mga bagay na gusto niya ayon sa kaniyang nakasulat na budget. Siya ay may sapat na ipon upang makapagretiro ng marangal. Siya ay may kakayahang palaguin ang kanyang negosyo sa pamamagitan ng perang naitabi niya. Siya rin ay nagbibigay at tumutulong ng kusa sa mga kapos palad at mga nangangailangan. Ang tunay na mayaman ay kontento sa buhay, walang problema sa pananalapi at mayroong kayamanang maipapamana sa kanyang pamilya. Ito ang tunay na mayaman, nabubuhay ng hindi higit sa kanyang pangangailangan, matalino sa paghawak ng pera, at mapagbigay sa kapwa.
Sa naunang paglalarawan ang mga taong akala natin ay mga tunay na mayayaman ay hindi pala. Sa materyal na bagay sila ay sagana, ngunit sa pagiisip at paguugali sila ay nagkukulang. Ang mga taong ito ay ang mga tinatawag na magarbo ang buhay. Ang paglustay ng kanilang pananalapi ay kasing laki ng kanilang hangarin na makilala bilang makapangyarihan, sikat, at maimpluwensiyang tao. Malayo ang pagiisip nila sa isang tunay na mayaman. Ang tiyansa nila na bumalik sa kahirapan ay malaki, dahil sa kanilang mentalidad at uri ng pamumuhay.
Ang pagkakaroon ng yaman ay isang obligasyon na itinalaga sa atin ng Diyos. Tayo ay katiwala lamang ng kayamanan natin sa lupa. Kung ito ay iyo lamang lulustayin sa isang magarbong buhay, hindi ito nararapat sa iyo. Ang kayamanan ay ibinabahagi sa iba, at pinamamahalaan ng may puso. Sa huli, sa pamamagitan ng iyong matiyagang pagdarasal sa Panginoon, pagsisikap, matalinong pamamaraan, at wais na paghawak ng pera, ikaw din ay matatawag na isang tunay na mayaman.
No comments:
Post a Comment