Nuffnang

Wednesday, September 4, 2013

Hindi Ka Payayamanin ng Gobyerno



Sa kabila ng kaliwa’t kanan at walang puknat na pagbatikos sa mga politiko at lider ng ating bansa, isa ang nananatiling totoo sa buhay nating mga Pilipino. Marami parin sa atin ang patuloy na nakakaranas ng kahirapan, gutom, at kawalan ng trabaho. Nakakalungkot mang isipin na ang ating Gobyerno na dapat gumagabay sa atin at nagbibigay ng oportunidad upang tayo bilang mga mamamayan ay umunlad sa buhay at magtagumpay ay siya pang numero unong nagbibigay ng masamang halimbawa sa atin. Hindi kailan man magiging tama ang patuloy na pagnanakaw ng mga opisyal ng Gobyerno sa kaban ng bayan. At alam nating lahat na ito ay hindi makatarungan at hindi patas para sa ating mga mamamayan.

Pero kung ilulugmok natin ang ating mga sarili sa mga problemang sosyal at politikal na ating kinakaharap ngayon, ang buhay natin ay hindi magiging matiwasay. Kung tayo ay patuloy na magpapaapekto sa mga bagay na wala tayong direktang kontrol, mawawalan tayo ng pokus sa pagpapaunlad ng mga bagay na mahalaga sa ating buhay katulad ng pag-iimpok ng pera, pagbibigay ng mga bagong kaalaman sa sarili, at pagbibigay sa sarili ng progresibong pag-uugali at positibong pananaw sa buhay. Huwag mong hayaan maging hadlang sa iyong pag-unlad ang mga problema ng atin bansa. Pakialaman at pag-aralan mong mabuti kung papaano mo mapapaunlad ang iyong pansariling ekonomiya.

Ang mga naririnig mo sa radyo at mga napapanood mo sa TV, maniwala kaman o hindi ay nagbibigay ng negatibong epekto sa iyong pangkalahatang pamumuhay. Ayon sa pag-aaral kakaunti lamang ang porsyento ng mga positibong mensahe na makukuha natin sa panonood ng telebisyon. Ibig sabihin halos lahat ng mga ipinapalabas sa TV lalo na sa mga News Channels ay negatibo at nakakasama sa atin. Kapag napuno ang iyong pag-iisip ng mga negatibong mensahe ano sa palagay mo ang mangyayari? Ikaw ay makakaranas ng tinatawag na “End of the World syndrome.” Ikaw ay magkakaroon ng biglaang takot, mawawalan ka ng seguridad at kumpiyansa sa sarili. Mararamdaman mo na ang mga pangyayari sa paligid mo ay hindi sumasangayon sa iyong kagustuhan at bigla mong mararamdaman ang tensyon sa iyong buong katawan. Magkakaroon ka ng matinding pananakit ng ulo na posibleng mauwi sa malubhang sakit.

Kaya naman ang payo ko sa iyo kaibigan ko. Tigilan o kaya naman ay bawas bawasan mo na ang panood ng TV at pakikinig sa radyo na may kaugnayan sa kasalukuyang problema ng ating bansa o ng mundo. Wala kang direktang kontrol sa ano mang bagay na nagaganap sa labas ng iyong personal na buhay. Sanayin na magbasa ng mga libro na magbibigay sa iyo ng karagdagang kaalaman sa pagpapaunlad ng sarili. Magbasa ng mga aritikulo o blog na katulad nito na humihikayat na mag-isip ng positibo at nagbibigay ng makabuluhang payo na iyong magagamit upang mapaunlad ang iyong pamumuhay.

Ang higit ko rin na isinusulong at pinapayo sa lahat ng aking mga taga-basa ay ang madalas na pagbuklat at pagbabasa ng Biblya. Ang Banal na Sulat ay nagbibigay sa atin ng mga magaganda at dakilang payo na ating magagamit sa ating pang araw-araw na buhay. Ito ay nagbibigay ng walang hanggang gabay sa ating buhay at humihikayat na mamuhay na naaayon sa utos ng Diyos at sa buhay ni Hesukristo. Dahil nasasabi sa Biblya na “Sapagkat sa ganitong paraan inibig ng Diyos ang sanlibutan kaya ipinagkaloob niya ang kaniyang bugtong na Anak upang ang sinumang sumampalataya sa kaniya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." –Juan 3:16 SND