Halos lahat tayo gustong magkaroon ng negosyo. Kagaya ng nabanggit ko dati ang pagnenegosyo ang isa sa pinakamabilis na paraan sa pagyaman. Kung mauumpisahan at mapapatakbo ng maayos ang isang negosyo, ito ay magsisilbing palabigasan ng pera sa haba ng panahon. Parang isang pato na nangingitlog ng ginto sa haba ng kanyang buhay. Kaya naman marami sa atin ang nag-aasam na makapagsimula ng negosyo dahil sa malaking premyo na maaaring maibigay nito sa ating buhay.
Dahil taos sa aking kalooban ang matulungan ka kabayan ko, ibabahagi ko sa iyo ang ilang mga ideya sa pagnenegosyo na maaari mong simulan ngayon. Sa bawat ideya idedetalye ko ang mga hakbang na kailangan mong gawin upang makapagsimula sa klase ng negosyong mababanggit. Hinihikayat kita na lawakan ang iyong imahinasyon at pag-isipan ng mabuti ang lahat ng mga ideyang ibibigay ko. Pagdesisyunan mo kung alin sa mga ideyang ito ang angkop sa iyong kalagayan at ito ay iyong simulan ng may buong sipag, tiyaga, at talino. Lahat ng mga ideyang mababanggit ay maaaring masimulan sa bahay at nangangailangan lamang ng kaunting kapital.
Panaderia
Ang tinapay ika nga ang panlaman nating mga pinoy sa tiyan. Hinding hindi mawawala ang pandesal sa almusal nating mga pinoy. Hindi lang ito pang-umaga, pang meryenda rin. Hindi mo kailangan maging isang propesyonal na panadero upang makapagsimula sa negosyong ito. Hindi mo rin kailangan ng mga gamit sa pag-gawa ng tinapay. Sa katunayan hindi mo kailangang gumawa ng tinapay upang mag-umpisa.
Ang kailangan mo lang gawin ay pumunta sa isang panaderia at bumili ng tinapay ng wholesale o pangmaramihan. Sa ganitong paraan mabibigyan ka ng malaking diskwento na maaari mong kitain sa pamamagitan ng pagbebenta ng tingi o indibidwal. Manghikayat ng mga tao na maaaring maglako at magbenta ng iyong mga tinapay. Bigyan sila ng sapat na kaalaman sa tamang pagpepresyo at pagtitinda ng iyong tinapay. Bigyan mo sila ng komisyon sa kanilang kabuoang benta.
Negosyo sa Pag-gawa ng Tsokolate at Kendi
Ang tsokolate at kendi ay mga paboritong pagkain ng mga bata at ng mga matatanda. Ang pag-gawa ng mga ito ay simple lamang at hindi nangangailangan ng teknikal na kaalaman at karanasan. Kung kaya mong magsaing ng kanin, kaya mo rin gumawa ng tsokolate at kendi. Ang isa sa mga mabentang kendi na hindi nawawala sa panahon ay ang yema. Haluan mo ang yema ng ibat ibang klase ng kulay o tsokolate upang maging kaayaaya ito sa paningin. Maaari mo rin itong lagyan o haluan ng ibat-ibang klase ng nuts o mani para makadagdag sa masarap na lasa nito.
Kausapin mo ang mga may-ari ng sari-sari stores sa iyong lugar at kumbinsihin sila na ibenta o ilagay ang iyong mga bagong lutong kendi sa kani kanilang tindahan. Bigyan mo sila ng porsyento sa bawat kendi na mabebenta. Sa ganitong paraan, mas malaki ang iyong tsansa na makabenta ng marami.
Pagdedeliver ng tanghalian
Lahat tayo ay kailangang kumain. Ang pagkain ay isa sa mga kailangan ng tao upang mabuhay. Kaya naman ito ay isang mainam na panimulang negosyo na maaari mong umpisahan ngayon sa iyong kusina. Mas mainam kung ikaw ay may kasanayan o kaalaman sa pagluluto. Kung wala naman, maaari kang magpatulong sa kapamilya o kaibigan na maaaring magluto para sa iyo.
Maghanda ka ng listahan o menu ng mga pagkain na sa iyong palagay ay magugustuhan ng ibang tao. Pumunta ka sa mga opisina ng gobyerno kagaya ng post office, munisipyo, baranggay hall, court house at lahat ng pampublikong opisina na malapit sa iyo at manguha ka ng order sa mga empledayo. Tandaan, dahil sa tanghalian ang iyong idedeliver, agahan ang iyong pangunguha ng order upang mabigyan mo ang iyong sarili ng sapat na oras upang makapagluto at makapagdeliver.
Iminumungkahi ko ang ganitong sistema upang maging mas madaling tantyahin ang iyong ilulutong kanin at ulam na kung saan malilimitahan ang iyong “overhead” o gastos sa pagnenegosyo. Matitiyak mo pa na mayroong siguradong customer na magbabayad sa iyong serbisyo at produkto.
Marami pa akong mga ideya sa pagnenegosyo na nais kong ibahagi sa iyo ngunit ang mga ito ay sadyang mahaba para sa isang blog post. Abangan ang susunod na listahan ng mga ideya sa pagnenegosyo sa susunod na artikulo. Sana nabigyan kita ng inspirasyon upang magsimula ng iyong sariling negosyo. Ito ay ilan lamang sa mga maraming ideya na kung pagtutuunan ng sapat na pag-iisip ay makakatulong sa iyo na makapagsimula ng isang kumikitang negosyo.
Pakinggan ang audio version: