Sa
kultura nating mga Pilipino, kadalasan sa mga mag-asawa, ang babae ang
humahawak at nagbubudget sa pananalapi ng pamilya. Siya ang umaasikaso
sa lahat ng pangangailangan sa bahay, nagbabayad ng mga bills, at kung
minsan, ang gumagawa ng paraan kapag kinakapos sa pera. Ang lalaki naman
ang kadalasang nagpapasok ng pera sa bahay na siya namang iniintrega sa
asawa. At kalimitan doon nagtatapos ang kanyang obligasyon sa paghawak
ng salapi ng pamilya, kaya madalas nating naririnig ang mga salitang
“Pera mo, pera ko din, pera ko, pera ko lang” sa mga mag-asawa. Ang
ganitong klaseng pananaw sa paghawak ng pananalapi ng pamilya ay isang
maling paniniwala na nakalakihan na natin at naging katanggap-tanggap na
bilang isang katotohanan ng buhay. Ngunit ang totoo, isa itong
napakalaking pagkakamali na dapat ituwid upang maging matagumpay sa
buhay. Mayroong malaking korelasyon ang tamang paghawak ng pera ng
mag-asawa at ang pagiging mayaman.
Ang
pag-ayon at damayan sa paghawak ng pera ng mag-asawa ang nagdadala ng
armonya sa kanilang pagsasama. Kung iyong mapapansin, ang madalas na
pinagmumulan ng away ng mag-asawa ay pera. Ito ay dahil narin sa hindi
pantay na pagbibigay ng obligasyon sa pinansiyal na aspeto ng kanilang
pagsasama. Tayong mga lalaki ay kampante na basta’t nagbibigay tayo ng
pera sa ating asawa, ang lahat ay maayos na. Samantalang ang mga babae
ay nabibigatan sa presyur na dala ng pagbabalanse ng pera upang
mapagkasya ito hanggang sa susunod na intrega.
Sa
iyong paglalakbay patungo sa pagkakaroon ng yaman, importante na kayong
dalawa ng asawa mo ay sabay na magdesisyon at magpanghawak sa inyong
pera. Kalimutan ang nakalakihang paniniwala na ang pera ni mister ay
pera din ni misis at ang pera ni misis ay pera lang ni misis. Ang pera
mo at pera niya ay pera ninyong dalawa. Kayo ay nasa banal na
pagbubuklod ng kasal. Kayo ay nabasbasan bilang isa, at nagsumpaan na
magtutulungan sa hirap o ginhawa. Sa aming dalawa ng aking asawa, walang
sinuman ang nagiisang humahawak at nagdedesisyon sa pera. Kapag meron
akong pagkakagastusan sinasabihan ko muna siya at humihingi ng
pahintulot at kapag sumang-ayon siya doon palang ako gagastos at ganun
din naman siya sa akin.
Ang
away sa pera ang isa sa mga numero unong dahilan ng paghihiwalay ng
mag-asawa. Kaya kung hindi ninyo pagsisikapan na maisaayos ang inyong
paghawak sa pananalapi, kayo ay may malaking tiyansa na mapunta sa hindi
kaaya-ayang hiwalayan na ayon sa pag-aaral ay nagbibigay nang
pangmatagalang depresiyon sa inyong dalawa na nagiging sanhi ng
pagkakaroon ng “victim mentality” o negatibong pananaw sa buhay.
Tandaan, ang pagtatagumpay sa salapi at ang pagkakaroon ng yaman ay
batay sa iyong positibong pananaw sa buhay.
Ang
madalas na pagtalakay o pag-uusap patungkol sa estado ng inyong
pananalapi, at ang sabay na pagbalanse ng inyong pera ang pinaka
epektibong paraan upang lumawak ang inyong komunikasyon at pang-unawa
pagdating sa mga usapin sa inyong pananalapi. Ugaliing magdesisyon ng
sabay sa lahat ng bagay na may epekto sa inyong pagsasama at kalusugan
sa pananalapi. Sabi nga nila “it takes two to tango”, kung sabay ninyong
pagtatrabahuhan at pagsisikapan ang pagtatagumpay sa pera at maging
mayaman, maaga ninyong matatamo ang kaligayahang hatid ng pagiging
matiwasay hindi lamang sa pera, pati narin sa kalayaan sa kung ano paman
ang gusto mong magawa at makamit sa buhay.
Kung ikaw ay sagad na sa utang at nais nang makawala sa kadena nito, ang una mong dapat gawin ay ang tigilan na ngayon mismo ang ano mang uri ng pangungutang. Kung ikaw ay may credit card, gupitin na ang mga ito upang hindi na makautang pang muli. At kung ikaw naman ay may pagkakautang sa sino mang tao, kausapin sila ng maayos at sabihan mo sila na ikaw ay naghahangad na mabayaran ang lahat ng iyong pagkakautang. Kung wala kapang pambayad sa kanila sa ngayon, pangakuan mo sila ng may buong puso at intensiyon na sila ay iyong babayaran na naayon sa inyong napagusapan. Ilista mo ang lahat ng iyong pagkakautang mula sa may pinakamaliit na balanse hanggang sa may pinakamalaki gaano man kalaki ang interest, kung meron man. Ang sumusunod ay isang halimbawa sa pagtatala ng iyong mga utang:
Utang Balanse
Credit Card 1 1, 000
Credit Card 2 2, 000
Credit Card 3 5, 000
Personal na Utang 7, 000
Bill sa Ospital 10, 000
Utang sa Tuition 30, 000
Ang iyong listahan ang iyong magsisilbing gabay sa pagbabayad ng iyong mga utang sa pinaka-epektibong paraan. Bago magsimula sa pamamaraang ito, siguraduhin mo na hindi ka atrasado sa pagbabayad ng pinakamaliit na halaga kung ikaw ay nagbabayad ng hulugan alin man sa mga utang sa iyong listahan. Kung ang iyong pagkakautang naman ay hindi hulugan at nangangailangan ng pagbabayad ng buo, siguraduhin mo na nakausap mo at naipaliwanag mo sa taong iyong pinagkakautangan ang iyong planong pagbabayad ng tama sa kanya. Ipakita mo sa kanya ang iyong listahan kung kinakailangan upang makuha mo ang kanyang simpatya at respeto sa iyong tama at marangal na plano sa pagbabayad ng iyong mga utang. Madalas, kung ikaw ay hindi nakapagbayad ng utang sa tamang panahon, nawawala ang tiwala sa iyo ng taong iyong napag-utangan kaya nagiging mahirap na pakiusapan siya na maghintay habang iyong binabayaran ang mga unang utang sa iyong listahan bago ang sa kanya. Sa sitwasyong ito, sabihin mo sa kanya na handa kang magbayad ng regular kahit na maliit na halaga lamang maipakita mo lamang sa kanya ang iyong seryosong intensiyon na pagbayad sa kanya at hindi mo tatalikuran ang iyong obligasyon na bayaran siya ng buo.
Pagkatapos mong gawin ang mga nabanggit sa mga naunang talata, umpisahan mo ng may kagalakan sa puso ang iyong planong pagbabayad ng marangal sa iyong mga utang. Tignan mo ang iyong listahan at tukuyin ang pinakaunang utang na nasusulat dito. Ituon ang iyong buong atensiyon sa pagbabayad ng utang na ito. Bayaran ito ng mabilis sa abot ng iyong makakaya. Ipunin ang lahat ng sobrang perang iyong makukuha, kung ito man ay galing sa bonus, sideline, extrang trabaho, pagtitinda, pagbebenta ng gamit sa amazon.com o sa internet, o kung ano mang paraan na maisip mo upang magkaroon ng extrang kita at ibagsak lahat sa utang na ito upang mabilis itong mabayaran. Tratuhin ito bilang isang pinakamahalaga at pinakaimportanteng gawain na kailangan mong matapos sa lalong madaling panahon. Kung iyong ibubuhos ang iyong enerhiya sa pagbabayad ng utang na ito, mababayaran mo ito nang hindi mo mamamalayan.
Kapag bayad na ang pinakaunang utang sa iyong listahan, ibaling naman ang lahat ng iyong atensiyon at enerhiya sa pagbabayad sa susunod na utang sa iyong listahan. Ulitin ang mga pamamaraan na iyong ginawa sa naunang utang hanggang ito ay mabilis na mawala. Ulit ulitin ang mga pamamaraang ito sa lahat ng mga utang sa iyong listahan ayon sa kanilang pagkakasunod sunod. Habang ikaw ay nagtatagumpay sa pagbabayad ng mga nauunang utang sa iyong listahan, lumalaki ang iyong kapasidad na bayaran ang mga susunod na utang sapagkat lumiliit na ang kabuuang halaga ng iyong mga utang at nabibigyan ka ng sobrang pera na dapat sana ay napupunta sa pagbabayad ng regular sa mga utang na ito. Depende sa laki ng iyong pagkakautang, at sa tindi ng iyong hangarin na makawala sa iyong mga pagkakautang, ang karaniwang pagtatagumpay laban sa tanikala ng utang ay umaabot ng anim hanggang isang taong pagsunod sa pamamaraang ito. At kung ikaw ay magtagumpay sa laban mong ito, gawin mo sana itong isang kaaya ayang paglalakbay na may kinapulutang aral. Lumayo at huwag na muling bumalik sa pang-aalipin ng utang. Lahat ng mayayaman sa mundo ay naging mayaman hindi dahil sa utang, bagkus sa paglayo at sa pag-iwas sa pagkakaraoon nito.
Ang paglalaan ng masidhing layunin at pagtutuon ng labis na pansin sa pagbabayad ng utang ang pinakamakapangyarihang sandata sa pagkawala sa kadena at kahirapan na dulot at hatid ng utang. Sa pagkawala ng kamandag ng utang sa iyong buhay, mararanasan mo ang mapayapa at masaganang buhay na walang ibang kahihinatnan kung hindi ang pagtatagumpay sa pera at pagkamit ng iyong inaasam na yaman.
Inaanyayahan ko kayo na magkomento sa mga paksa na nasusulat sa blog na ito. Ang inyong suhestiyon at pahayag ay importante sa aking pagsulat at ako ay umaasa na kayo ay aking nabibigyan ng kahit na kakaunting liwanag, pag-asa, at kamulatan patungkol sa mga usapin sa pera at pagyaman. Pwede niyo ring subaybayan ang aking blog sa pamamagitan ng paggamit sa RSS FEED na nasa kanang bahagi ng pahinang ito.
Sa paksang ito, tatalakayin ko ang isa sa pinakaimportanteng bahagi ng pagyaman ng isang tao, ang tamang pabibigay solusyon sa problema sa pera o salapi. Kagaya mo, lahat ng tao sa paligid mo ay may pinagdaraanang problema sa pera na kalimitan ay nangangailangan ng matinding sakripisyo upang ito ay malunasan o mapagtagumpayan. Ang taong nalampasan at natuto sa mga pagsubok pagdating sa paghawak ng pera ang siyang kadalasang nangingibabaw at nagtatagumpay sa buhay.
Kung ikaw ay may problema sa pananalapi, huwag mangamba, harapin ito ng may buong paghatol na ito ay iyong masosolusyunan. Gawin mo itong hamon sa iyong buhay at sabihin sa sarili na kapag ito ay napagtagumpayan, magbibigay ito sa iyo ng kakaibang lakas upang maging mas matatag sa pagharap sa mga susunod na pagsubok. Ang pagharap sa pagsubok ang siya lamang magbibigay ng solusyon sa iyong problema, sa pera man, pamilya, o kabuhayan.
Ang pinakamalaking balakid sa pagyaman ng Pinoy ay ang mga sunod-sunod na kamalian sa paghawak ng pera na madalas ay nagpapahina sa kanya at umuubos ng kanyang pag-asa na umasenso sa buhay. Kasunod nito ang mga problemang naglulugmok sa kanya sa kahirapan. Ang numero uno sa listahan ng mga problemang ito ay ang pagkakabaon sa utang. Ang pangungutang ay isang sintomas ng isang matinding problema sa pananalapi, at ang tamang pagkilala sa problema ang siya lamang magbibigay lunas dito. Ano nga ba ang tunay na problema kung ikaw ay may sintomas na pangungutang? Ang problema ay ang iyong sarili, humarap ka sa salamin at masdan ang taong nakatitig dito. Nakikita mo ba sa salamin ang taong matalino sa paghawak ng pera? Ang pangungutang ay isang manipestasyon ng iyong pag-uugali sa paghawak ng pera. Ayon sa pag-aaral ang paghawak ng pera ay dalawampung porsyentong laman ng utak at walongpung porsyento ng pag-uugali. Ibig sabihin malaking bahagi ng iyong pagdedesisyon sa paggamit ng pera ay nasa iyong pag-uugali at hindi sa iyong pag-iisip. Kung babaguhin mo ang iyong pag-uugali sa salapi, at kung tatratuhin mo ang pera bilang isang mahalagang gamit sa pagakumula ng yaman, lahat ng iyong problema sa pananalapi ay mawawala ng tuluyan. Itali mo ang iyong sarili sa utang, at ikaw ay masasakal sa lubid ng kahirapan sa haba ng iyong buhay.
Kagaya ng madalas ko na binabanggit, iwasan kagaya ng pag-iwas sa sakit ang pagkakaroon ng utang sa kung sino pa man para sa ano mang bagay. Kung ikaw ay may nakalaan na pera para sa mga di inaasahang pangyayari, ikaw ay protektado na sa ano mang problema sa pananalapi na darating sa iyong buhay. Kaya ang aking payo, umpisahan mo na ngayon ang mag-impok ng sapat upang maging kampante ka sa buhay at upang makapagpatuloy ka sa pagtahak ng mga hakbang patungo sa iyong pagyaman.
Abangan ang aking susunod na artikulo patungkol sa tama at marangal na pagbabayad ng utang…